Patawad aking anak. Sana masaya ka kung nasaan ka man ngayon. Sana mayroong nag-aalaga sayo at lumalaban ka kapag inaapi at tinatapakan ka. Pakatanda

       

Patawad aking anak.

Sana masaya ka kung nasaan ka man ngayon. Sana mayroong nag-aalaga sayo at lumalaban ka kapag inaapi at tinatapakan ka. Pakatandaan mo, kumain ka araw-araw para hindi ka magkasakit. Mahal na mahal kita, anak.

Patawad aking anak.

Isang linggo bago kita ipinanganak, namatay ang lola mo na siyang naging dahilan ng pagkaubos ng ating pera. Hindi ko man lang nagawan ng paraan at naagapan ang iyong sakit. Hindi kita kaagad napa-newborn screening. Ang sakit sa pakiramdam dahil hindi man lang kita nakasama nang matagal. Napaka-iksing panahon. Mahirap tanggapin na dalawang linggo lang ang itinagal mo sa mundong ito. Patawad at hindi man lang kita napasuri kaagad para malaman ang iyong sakit.

Patawad aking anak.

Namatay ka na hindi man lamang nasisilayan ang kagandahan ng mundong ito. Kung napasuri kita pagkatapos ipanganak, nalunasan siguro kaagad ang sakit mong Congenital Adrenal Hyperplasia . Malubha ang sakit na iyon at nakamamatay . Namana mo daw ang sakit na iyon. Hindi ko naman akalain na mangyayari sa iyo ito.

Patawad aking anak.

Lubos akong nagsisisi. Kung nalunasan kaagad ito , sana buhay ka pa at nandito sa tabi ko. Sana may inaalagaan pa ako at inaayusan . Sana nakakapaglakad ka na at nagsasalita ng mga salitang “mama” at “papa.” Normal siguro ang magiging buhay mo katulad ng ibang bata . Pero hindi, puro ako “sana.” Hindi naman maibabalik ng aking mga “sana” ang buhay na inilaan ng Diyos para sayo.

Patawad aking anak.

Maligayang unang kaarawan aking mahal na anak! Siguro kung nandito ka, masaya tayo at nagdidiwang ng iyong kaarawan. Siguro maraming pagkain dito at maraming mga bisitang pupunta para batiin ka. Nandito ako ngayon sa puntod mo, umiiyak at nagsisisi sa lahat ng pangyayari. Sabi nga, lahat ng mga sanggol o bata ay may karapatang magkaroon ng normal na pamumuhay sa mundong ito. Hindi ko ito naibigay nang maayos sa iyo.

Maligayang kaarawan ulit at sana mapatawad mo ako sa aking pagkukulang.

Nagmamahal,

Ang iyong ina

Lathalaing isinumite ng I.B. Villamor High School, Sta. Ana, Manila para sa Newsletter Competition na inilunsad ng Center for Health Development-Metro Manila kasabay ng pagdiriwang ng National Newborn Screening Awareness Week taong 2012

Banner: Disenyo ni AJ Mallari para sa Newborn Screening Center-National Institutes of Health

__

1px